Isabela City, Basilan — Pinangunahan ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang 4th Quarter Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Meeting na ginanap kahapon sa Basilan Government Center upang talakayin ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Plan (PDRRMP) 2026–2028.

Ang nasabing plano ay magsisilbing pangunahing blueprint ng probinsya upang higit pang mapalakas ang kahandaan, kaligtasan, at katatagan ng mga komunidad laban sa iba’t ibang kalamidad at krisis.

Dinaluhan ang pagpupulong ng mga kinatawan mula sa MBHTE Lamitan, CDRRMO Isabela at Lamitan, MILG-BARMM, Basilan Medical Center, Bureau of Fire Protection (BFP), MOST, Philippine Ports Authority, iba’t ibang line agencies, at mga non-government organizations (NGOs). Nakiisa rin sa pagpupulong ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga department heads ng provincial government.

Sa talakayan, binigyang-diin ang apat na pangunahing layunin ng PDRRMP 2026–2028: disaster prevention and mitigation, preparedness, mabilis na emergency response, at maayos na rehabilitasyon pagkatapos ng kalamidad.

Ayon sa mga opisyal, layunin ng plano na palakasin ang disaster-resilient infrastructure, pataasin ang kakayahan ng mga local government units (LGUs), at tiyaking handa ang bawat komunidad sa Basilan sa anumang sakuna o emergency situation.

Binigyang-diin din ni Gov. Hataman ang kahalagahan ng pagkakaisa at aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor sa usapin ng disaster preparedness at public safety.

“Ang disaster preparedness ay hindi lang tungkulin ng pamahalaan kundi pananagutan ng lahat. Ang kaligtasan ay pundasyon ng kaunlaran dahil walang progreso sa isang lugar na hindi handa,” pahayag ni Gov. Hataman.

Patuloy namang isinusulong ng PDRRMC Basilan ang mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya at lokal na pamahalaan upang mapabuti ang disaster response mechanisms at maprotektahan ang mamamayan ng probinsya.